METRO MANILA – Nababahala ngayon ang Pediatric Infectious Disease Expert na si Doctor Anna Ong-Lim sa dumaraming bilang ng mga batang tinamataan rin ng COVID-19.
Ayon kay Doctor Lim karamihan sa mga nagpo-positibo sa COVID ay pawang mga edad 5 hanggang 12.
Paliwanag ng doktor, malaki ang posibilidad na nahahawa ang mga bata sa mga kasama nila sa bahay na maaaring positibo rin sa COVID-19.
“Marami tayong nakukuhang mga tawag galing sa mga pasyente at mayroon ding mga naa-admit sa ospital. Although, we expect the numbers we are getting will be reduced dahil marami sa kanila are part of clusters. Maaaring hindi na sila nate-test pero mga magulang nila o mga kasama sa bahay ang nagpo-positive.” ani Pediatric Infectious Disease Expert Dr. Anna Lisa Ong-Lim.
Ayon pa kay Doctor Lim mahirap na matukoy kung may COVID ang isang bata dahil karaniwang mild lamang ang kanilang sintomas.
Kaya naman makakabuti pa rin kung sila ay ipapa-test upang maibigay ang tamang gamot.
Kinakilangan rin silang i-isolate na kapareho lamang ng sistema na ginagawa sa matatanda.
Kaugnay nito, posibleng dumating na sa katapusan ng Enero ang suplay ng bakuna na gagamitin para sa mga batang 5 hanggang 11 taon.
Sa talk to the people ni Pangulong Duterte, sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr, na nasa 26 million doses ng karagdagang bakuna ang kailangang bilhin ng pamahalaan para sa vaccination ng mga kabilang sa edad na ito.
Patuloy naman ang pagpa-plano ng pamahalaan ang gagawing pagbabakuna sa mga batang 0-4 years old na target umpisahan sa hunyo ngayong taon.
Ipinaliwanag naman ni Doctor Lim na kapareho lamang rin ng side effects sa matatanda ang maaaring maranasan ng mga batang magpapabakuna.
Target ng pamahalaan na mai-fully vaccinate ang nasa 90 milyon na mga Pilipino pagsapit ng June 2022.
Sa ngayon mayroon nang mahigit sa 52 million na mga Pilipino ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
(Aileen Cerrudo | UNTV News)
Tags: pediatric vaccination