Bilang ng mga aksidente sa lansangan, tumataas tuwing bakasyon

by Radyo La Verdad | April 10, 2019 (Wednesday) | 8082

Manila, Philippines – Pinag-iingat ng Philippine National Police Highway Patrol Group o (PNP-HPG) ang mga motoristang uuwi sa mga lalawigan o may mahabang biyahe ngayong bakasyon.

Ayon sa HPG karaniwang tumataas ang bilang ng aksidente sa kalsada tuwing panahon ng bakasyon.

Noong buwan ng Abril hanggang Hunyo 2017, nakapagtala ng 8,279 na aksidente ang HPG sa buong bansa.

Bumaba naman ito ng halos 70% noong 2018 ng kaparehong buwan kung saan nakapagtala lamang ang HPG ng 2,705 na aksidente sa lansangan.

Ayon kay HPG Spokesperson Police Lieutenant Col. Richie Claraval, human error ang pangunahing sanhi ng aksidente sa kalsada kabilang na ang hindi tamang pag overtake, maling pagliko, overloading, pagmamaneho ng lasing o nakainom at paggamit ng cellphone sa pagmamaneho.

Bukod sa pagmamaneho ng lasing, mahigpit ding ipinagbabawal sa ilalim ng Anti- distructed Driving Law ang paggamit ng cellular phone habang nagmamaneho.

Paalala ng PNP ugaliin na icheck ang Blowbagets o ang battery, lights, oil, water, brakes, air, gas, engine, tire at self o ang sarili bago bumiyahe.

Samantala, idineploy na rin ng HPG ang kanilang mga tauhan sa mga pangunahing lansangan bilang road marshalls at sa mga police assistance center sa mga bus terminal.

Dagdag ni Claraval, regular na nagsasagawa ang HPG ng inspeksyon sa mga terminal ng bus katuwang ang pdea na nagsasagawa naman ng random drug test sa mga driver at konduktor ng bus.

Tags: