Bilang ng krimen sa Metro Manila bumaba kumpara noong panahon ng Aquino Administration, ngunit kaso ng Murder tumaas – NCRPO

by Erika Endraca | October 3, 2019 (Thursday) | 11238

MANILA, Philippines – Bumaba ang bilang ng krimen na nangyayari sa Metro Manila sa nakalipas na 3 taon kumpara sa huling 3 taon ng ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay NCRPO Director PMGen. Guillermo Eleazar, nasa 49,835 lamang ang krimen na nangyari noong July 2016 hanggang September 26, 2019.

Mas mababa ito ng 82,004 o 62% ng 131, 839 ng krimen na naganap mula April 2013 hanggang June 2016, sa panahon ni dating Pang. Aquino. Pero tumaas naman ng 60% ang kaso ng murder sa kaparehong panahon. Mula sa 2682 noong Aquino Administration ay umakyat ito sa 4295 sa ilalim ni Pangulong Duterte.

“Dahil sa ating campaign against illegal drugs, itoy mga forging ba tinatawag, mga sindikatong nagpapatayan dahil they want to silence yung mga members ng syndicates, pulis na nagbabaliktaran din at merong ibang involved da scalawags na pulis na na find out natin na sila din ang pumapatay sa ibang pulis at iba pang kasama nila sa sindikato” ani NCRPO Director Police Major General Guillermo Eleazar.

Mababa naman ang kaso ng Homicide, Physical Injury, Rape, Theft, Robbery, Motornapping at Carnapping.

Tiwala din si Eleazar na magtutuloy tuloy na ang pagbaba ng krimen sa bansa dahil sa ginagawang pagta trabaho ng mga pulis at sa maayos na pagpapatupad ng mga city ordinances.

Ipinagmalaki din niya ang patuloy na pagbaba ng nangyayaring krimen tuwing Ber months simula 2016 hanggang sa kasukuyan.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,