Bilang ng hotel sa Boracay na pinayagang tumanggap ng booking, umabot na sa 157

by Radyo La Verdad | October 26, 2018 (Friday) | 3259

Mahigit 100 lang sa mahigit 400 mga hotel sa Boracay Island ang pinahintulang tumanggap ng booking kaalinsabay ng muling pagbubukas ng isla para sa mga turista matapos sumailalim sa anim na buwang rehabilitasyon ang pamosong isla.

Nagbigay ng accreditation ang pamahalaan sa 157 hotels at inns na nakakuha ng permit matapos mapatunayang sumunod sa environmental laws kaugnay ng construction at sewage systems.

Kahapon, nagkalat pa sa seaside roads ang mga semento at panghukay at kita rin ang ilang gusaling bahagya nang giniba.

Kinakailangan namang i-demolish ng mga hotel ang kanilang sariling mga istruktura na nasa loob ng 30 metro ang layo mula sa pampang o kung hindi ay nanganganib nang maipasara ng tuluyan.

Nagreklamo naman ang ibang may-ari ng hotel hinggil sa waiver na pinapipirmahan umano sa kanila bago ang opening.

Tulad ni Elma na kakabukas lang ng hotel noong Marso, isang buwan bago ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang closure sa Boracay Island.

Hawak na raw niya ang lahat ng kinakailangang permit para sa reopening. Subalit kung hindi siya pipirma sa waiver, posibleng gibain ang kanyang ari-arian sa hinahanarap dahil malapit sa kalsada.

Iginiit naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pagmamay-ari talaga ng pamahalaan ang Boracay at ang waiver ay hindi nangangahulugan ng land grabbing.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,