Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga dinadapuan ng Human Immunodeficiency Virus o HIV sa Pilipinas. Sa panayam ng programang Get it Straight with Daniel Razon kay Health Sec. Paulyn Jean Ubial kanina, ipinahayag nitong umabot na sa 1,013 ang naitalang HIV positive cases sa bansa nitong Hunyo.
Pinakarami ay mula sa Metro Manila na sinundan ng Calabarzon habang pangatlo naman ang Central Luzon. Sa huling tala ng DOH, karamihan sa mga infected ng HIV virus ay mga kabataan na maagang namumulat sa sexual activity. Tumaas na rin sa tatlumpu ang bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng HIV sa bansa kada araw.
Samantala, isang paraan naman upang ma-protektahan ang mga kabilang sa grupong may risky behavior o maagang nagkakaroon ng sexual experience ay ang pagkonsulta sa mga DOH center at mabigyan ng counselling.
Katuwang ng DOH ang Aids Society of the Philippines sa pagbibigay ng tamang kaalaman sa HIV sa mga kabataan maging sa mga HIV positive.
Ayon sa grupo, may sapat silang natatanggap na suplay ng anti-retroviral drugs nguni’t kailangan lang na mapaigting pa ang kanilang programa kontra HIV.
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)
Tags: DOH, Get it Straight with Daniel Razon, HIV