METRO MANILA – Sa dating guidelines ng Department of Education (DepEd), 50% – 70% capacity lang sa kada classroom ang pahihintulutang makilahok sa face-to-face classes.
Ngunit sa bagong Department Order na inilabas ng kagawaran, hindi na lilimitahan ang bilang ng estudyanteng papasok sa eskwelahan oras na magsimula na ang face-to-face classes para sa school year 2022-2023.
Ayon kay Education Secretary at Vice President Sara Duterte, kailangan lang na sundin ng mga paaralan ang mahigpit na pagpapatupad sa health protocols gaya ng pagsusuot ng facemask, disinfection at social distancing.
Mahigpit ring ipinagbabawal sa mga estudyante, guro at non-teaching personnel ang magkasabay sa pagkain.
Bukod dito, binigyang diin ni VP Duterte na hindi na pagbubukudin ang mga estudyanteng bakunado kontra COVID-19 at ang mga hindi pa nababakunahan.
Ito ay dahil hindi pa naman mandatory ang COVID-19 vaccination sa mga estudyante.
Kahapon (July 14) iginiit ni VP Duterte na tuloy na ang pagbubukas ng klase sa August 22 sa kabila ng panawagan ng ilang guro na iurong ito sa Setyembre.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: DepEd, face-to-face classes