Bilang ng COVID-19 cases sa bansa, umabot na sa 24

by Erika Endraca | March 10, 2020 (Tuesday) | 1787

METRO MANILA – 4 agad ang nadagdag na bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa simula Kahapon (March 9) umakyat na sa 24 ang Coronavirus Cases sa Pilipinas.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-anunsyo ng mga ito Kagabi.

Ang case number 21-24 ay mga residente ng West Crame San Juan City, Sta. Maria Bulacan at Project 6, Quezon City.

“Twenty-four lahat as of last count. But the infection, the transmission is going on kasi may mga bago eh nadagdagan 20 plus four, it’s 24.” Ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Department Of Health (DOH) ang case number 4, 6,7,8 ay stable na ang kondisyon.

Ang case number 5 ay stable na rin nguni’t mino-monitor ng DOH dahil mayroon itong severe pneumonia, acute kidney injury at enlargement of the prostate. Si case number 5 ang unang kaso ng local transmission sa bansa.

Habang nasa critical na condition si case number 9. Ayon sa Department Of Health (DOH) asahan na ang posibleng paglobo ng bilang ng mga magpopositibo sa COVID-19 sa bansa.

“Iyong biglang pagdami po ng kaso ito naman po ay dahil sa maigting na surveillance na ginagawa natin sa ngayon at nakakakita na tayo ng mga tao na nagpopositibo dito sa ating bansa.” ani DOH Public Health Services Team, Asec. Maria Rosario Vergeire.

Samantala, Kahapon (March 9) ng tanghali 468 na ang na-trace ng DOH Epidemiology Bureau sa mga nakasalamuha ng cases 4 hanggang 10.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: