Bilang ng Chikungunya cases sa PH, umakyat na sa 382% sa 2023 – DOH

by Radyo La Verdad | December 28, 2023 (Thursday) | 4613

METRO MANILA – Napansin ng Department of Health (DOH) na tila nagiging mas marami ang kaso ng Chikungunya sa ating bansa, batay sa kanilang monitoring data mula Enero 1 hanggang Disyembre 2 ngayong taon.

Batay sa ulat ng kagawaran, umakyat ng 382% ang bilang ng kaso ng Chikungunya kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Mayroong 15 kaso ang iniulat ng kagawaran mula November 26 hanggang December 2 lamang.

Ngayong taon, umabot na sa 2,889 ang bilang ng kaso, kumpara sa 600 noong nakaraang taon, ayon sa Epidemic-Prone Disease Case Surveillance Report ng DOH.

Ang karamihan sa mga kaso ngayong taon ay naitala sa Cordillera Administrative Region na may 1,146 na kaso.

Sumunod dito ang Mimaropa na may 465, Cagayan Valley na may 394, at Ilocos region na may 374.

Hanggang sa ngayon, wala pang aprubadong bakuna o gamot para sa Chikungunya virus infections kaya mahalaga ang agarang pagtugon at pag-iingat ng publiko.

Tags: ,