METRO MANILA – Posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga kababayang matinding naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Agaton sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 3 na ang kumpirmadong nasawi, samantalang isa ang nawawala at 2 ang sugatan.
“Mayroon po tayong natatanggap na mga bali-balita tungkol sa mga karagdagan daw pong mga bilang ng mga kababayan nating nadisgrasya. Pero ito po ay ating bina-validate at bini-verify pa rin sa ating mga kasamahan sa local government unit level.” ani NDRRMC Spokesperson, Mark Timbal.
Mayroon namang mahigit 13,000 indibidwal na inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers.
Bumibilang sa mahigit 136,000 na mga mamamayan sa 8 rehiyon ang apektado ng kalamidad.
Partikular na sa Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga at BARMM.
52 bahay ang nagtamo ng pinsala sa Region 7 at Region samantalang nasa 874,000 ang halaga ng mga nasirang pananim.
Samantala, tiniyak ng palasyo na nakatutok ang gobyerno sa pagkakaloob ng ayuda sa mga apektado ng bagyong Agaton kaalinsabay ng pahayag na naka-monitor ang pamahalaan sa track ng bagyo.
Nakikipag-ugnayan din ang NDRRMC ng mga apektadong lugar para masuportahan ang kanilang relief activities.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: bagyong Agaton, NDRRMC