Biktima ng vehicular accident sa Quezon City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | February 17, 2016 (Wednesday) | 1762

REYNANTE_TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang banggaan ng motorsiklo at tricycle sa bahagi ng IBP Road Barangay Batasan Hills sa Quezon City bandang ala una kaninang madaling araw.

Walo ang nasugatan sa pangyayari kabilang na ang dalawang sakay ng motorsiklo at anim na sakay ng tricycle.

Isa sa mga nasugatan ang sakay ng motoriklo ang tinulungan ng grupo na kinilala na si Gilbert Acuña, residente ng Daang Tubo San Mateo Rizal.

Nagtamo ang biktima ng malubhang sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan matapos humampas sa semento.

Agad binigyang ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima at mabilis na isinugod sa East Avenue Medical Center.

Tinulungan naman ng iba pang rumespondeng rescue group ang iba pang mga sugatan.

Ayon sa isa na nakasaksi sa pangyayari, dire-diretso umano ang takbo ng tricycle sa kahabaan ng IBP road nang bigla na lang ito binangga ng motorsiklo na mula sa u-turn slot area.

Dahil kapwa matulin ang takbo ng mga ito, tumalsik ang mga pasahero pati ang mga driver at tumaob ang tricycle.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kung sino ang dapat managot sa insidente.

(Reynante Ponte / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,