Biktima ng motorcycle accident sa Commonwealth Avenue, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | May 8, 2018 (Tuesday) | 9428

Humingi ng tulong sa UNTV News and Rescue Team ang isang pulis kaugnay ng aksidenteng nangyari sa Commonwealth Avenue kaninang madaling araw.

Pagdating sa lugar, naabutan ng grupo ang dalawang lalaki na nakahiga sa kalsada at walang malay. Kinilala ang dalawa na si Jun Mugal at Erald Baraquil.

Pamamaga ng mukha at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng dalawa matapos bumangga sa gutter ang sinasakyan nilang motorsiklo.

Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV Rescue ang mga pinsala sa katawan ni Mugal, habang ang Commonwealth Rescue naman ang tumulong kay Baraquil.

Pagkatapos malapatan ng first aid ay dinala na ng UNTV News and Rescue Team sa East Avenue Medical Center si Mugal. Aminado naman ang driver ng motor na si Baraquil na nakainom ito ng alak bago bumiyahe.

Samantala, tinulungan rin ng UNTV Rescue ang isang sugatang lalaki sa Cagayan de Oro City matapos bumangga sa nakaparadang jeep ang kaniyang minamanehong bisikleta.

Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, mabilis ang pagpapatakbo ni Gregorio Surila sa kaniyang bisikleta bago mangyari ang insidente.

Matapos malapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team ang pamamaga at sugat sa mukha ni Surila ay agad na itong dinala ng grupo sa Northern Mindanao Medical Center. Aminado naman ang biktima na nakainom ito ng alak.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

Tags: , ,