Biktima ng motorcycle accident sa Butuan City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | October 24, 2018 (Wednesday) | 14098

Nakaupo na sa gilid ng kalsada si Yolanda Azura nang datnan ng UNTV News and Rescue Team sa J.C. Aquino Avenue, Butuan City, pasado alas diyes kagabi.

Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV Rescue si Yolanda na nagtamo ng bukol sa ulo at iniinda ang pananakit ng baywang matapos tumilapon sa kalsada.

Wala namang tinamong injury ang asawa nito at ang rider na nakabanga sa kanila.

Ayon sa imbistigasyon ng mga pulis, papaliko na sana papuntang downtown area sina Yolanda sakay ng motorsiklo nang mabangga sila ng isa pang motor na mabilis naman umano ang pagpapatakbo.

Matapos lapatan ng first aid ay dinala ito ng grupo sa Butuan Medical Center para sa karagdagang atensyong medical. Nagkasundo naman ang magkabilang panig na mag-areglo na lamang.

Samantala, isa ring biktima ng motorsiklo ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team sa Tacloban City kaninang pasado ala una ng madaling araw.

Pauwi na sana ang magkaibigang Allen Labita at Cristeta Dolor nang magslide ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Maharlika Highway, Housing, Tacloban City.

Nagtamo ng bukol sa kaliwang bahagi ng noo at mga gasgas sa kamay si Dolor matapos mahulog sa motorsiklo. Wala namang tinamong pinasala ang angkas nito na si Labita.

Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team si Dolor na tumanggi ng magpahatid pa sa ospital.

Matapos makunan ng pahayag ng mga pulis ay nagpaalam na lamang ang mga ito na uuwi ng kanilang bahay.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,