MANILA, Philippines – Epektibo na simula bukas (July 2) araw ng Martes ang bigtime oil price hike.
Ito ang ikatlong beses na tataas ang presyo ng produktong petrolyo matapos ang serye ng mga rollback ilang linggo na ang nakakaraan.
Ayon sa mga industry player, P0.95 kada litro ang itataas ng presyo ng Diesel, P1.20 kada litro ang itataas ng gasolina habang P1.00 kada litro naman sa Kerosene.
Samantala, magkakaroon naman ng mahigit P3.00 kada kilo na rollback sa presyo ng Liquified Petroleum Gas (LPG) simula ngayong araw (July 1).
P3.40 per kilo ang rollback ng petron at phoenix sa lpg habang P3.36 naman per kilo sa solane.
Bukod dito may rollback din sa presyo ng Auto lpg na P1.90 kada litro.
Ang dagdag at bawas sa presyo ng lpg at produktong petrolyo ay bunsod ng paggalaw sa presyo ng langis sa world market.
Samantala, pinagbigayan ng Makati Regional Trial Court ang petisyon ng Philippine Institute of Petroleum para sa Temporary Restraining Order (TRO) sa fuel unbundling order.
Ayon sa mga industry player, siguradong mauuwi sa regulasyon o pag-control sa presyo ang naturang kautusan.
Sa ngayon ay umiiral ang oil deregulation law kung kaya’t walang kontrol at hindi dapat makialam ang pamahalaan kung paano pinipresyuhan ang produktong petrolyo ng mga oil companies, pero tutol ang Department of Energy(DOE).
Ayon naman kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, karapatan ng publiko na malaman kung paano pinapresyuhan ng mga oil company ang produktong petrolyo.
Kaya naman nagdududa ang kanilang grupo sa pagtutol ng mga oil company sa fuel unbundling order.
Samantala nanindigan ang DOE na itutuloy nila ang pagpapatupad sa kautusan sa fuel undundbling matapos ang effectivity ng TRO.
(Mon Jocson | Untv News)
Tags: DOE, LPG, produktong petrolyo, rollback sa presyo, taas-presyo