Biglaang pagtaas ng singil sa kuryente ng Meralco sa panahon ng Community Quarantine, iniimbestigahan na ng ERC

by Erika Endraca | May 21, 2020 (Thursday) | 15029

METRO MANILA – Sinulatan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (MERALCO) at inatasan itong magsumite ng mga dokumento upang ipaliwanag ang biglaang pagtaas ng singil sa kuryente sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Kahapon (May 21) nagkaharap-harap sa programang Get It Straight With Daniel Razon, si ERC Chairperson Agnes Devanadera, House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera-Dy, at dating congressman na ngayong chairman ng Matuwid na Singil sa Kuryente Consumer Alliance Inc, Neri Colmenares.

Kinumpirma ng ERC na pinagpapaliwanag na nila ang Meralco hinggil sa sari-saring reklamo ng mga consumer sa labis na singil na nakalagay sa electric billing.

Paliwanag ni Devanadera, na batay sa rules ng ERC dapat na maging patas at makatwiran ang sinisingil ng Meralco sa mga consumer.

“If there is a mistake deffer..kaya naman sinabi ko investigation na ang ginagawa namin hindi na basta advisory lang..dinig namin,damdam natin at nasa puso namin ang hinaing..so itong lahat ng ito masusi ang ginagawang pagsusuri ng ERC.” ani
ERC Chairperson, Agnes Devanadera.

Samantala nanawagan naman ang Samahan ng Matuwid na Singil sa Kuryente Consumer Alliance, na dapat ay suspendihin muna ang pagbabayad ng mga customer sa nakonsumong kuryente sa panahon ng community quarantine.

Ito’y habang may isinasagawang imbestigasyon ang mga otoridad ukol sa reklamo.

Umaapela rin sila sa ERC,na kung maari ay i-waive o huwag nang singilin ng meralco ang isang buwan na konsumo ng mga customer.

“Hindi dapat singilin muna ang mga bills na ito, kasi hirap ang tao ngayon dadagdagan mo pa ang problema nya, tapos what if in the end pala overcharged yun, ang hirap magrefund sa Meralco ah hindi ganun kadali yun, hindi ba pwedeng icondone mo muna yung isang buwan tulong mo na yan sa lipunan”ani Chairman, Matuwid na Singil sa Kuryente Consumer Alliance Inc.
Neri Colmenares.

Para naman sa Bagong Henerasyon Partylist, dapat ay palawigin pa ang grace period sa pagbabayad ng mga customer sa kuryente kahit matapos na community quarantine.

Ayon kay Congresswoman Bernadette Herrera Dy, dapat ay bigyan muna ng sapat na panahon ang ating mga kababayan na muling makabawi at kitain muna ang pera na ipambabayad sa kuryente at iba pang bayarin.

“Kasi hindi mo naman ineexpect na may pera kaagad ang tao pagbalik eh, syempre kailangan magtrabaho muna yan bago sya makaipon ng pampabayad sa Meralco” ani Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy.

Binigyan diin naman ng ERC na suspendido ang disconnection service kaya’t hindi maaaring magputol ng kuryente ang Meralco habang umiiral ang community quarantine.

Sa ilalim ng Bayanahin to Heal as One act, isang malinaw na paglabag sa batas ang anumang di makatwirang pagtaas ng presyo ng basic utilities sa panahon na umiiral ang community quarantine.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,