Big time rollback sa presyo ng petrolyo, ipinatupad ngayong araw

by Jeck Deocampo | November 13, 2018 (Tuesday) | 3477

METRO MANILA, Philippines – Ipinatupad ng mga oil company simula kaninang alas-6 ng umaga ang malaking bawas sa presyo ng produktong petrolyo. Ayon sa mga industry player, mahigit ₱2 kada litro na bawas sa presyo ng gasolina, ₱2 kada litro naman sa diesel at halos ₱2 kada litro sa presyo ng kerosene.

 

Ang dahilan ng malaking bawas presyo ay ang bumababang halaga ng imported petroleum sa world market.

 

Sa kabuoan ay umaabot na sa mahigit ₱7 ang rollback sa gasolina mula October 15 hanggang November 12, mahigit ₱5 sa diesel at mahigit ₱4 kada litro naman sa kerosene. Mula Enero naman hanggang Oktubre umabot sa mahigit ₱9 ang itinaas sa presyo ng gasolina kada litro, halos ₱12 sa diesel at mahigit ₱11 sa kerosene.

 

Payag naman ang mga transport group na ibalik sa ₱9 ang minimum fare sa jeep kung magtutuloy-tuloy pa ang pagbagsak ng presyo ng produktong petrolyo.

 

Kung magkakaroon pa ng matataas na rollback sa mga susunod na linggo, amenable kaming magbaba ng pasahe,” ani George San Mateo, ang presidente ng Piston.

 

Pero may kondisyon ang mga ito na ibalik anila ang sobrang nasingil sa taripa. Marami pa rin sa mga driver ngayon hindi pa rin kumukuha ng taripa dahil sa sobrang mahal umano nito. Nagkakahalaga ito ng mahigit ₱600 at ayon sa mga namamasada, halos kapareho na ito ng kinikita nila sa isang araw.

 

Ayon naman sa LTFRB, posible na ang mga driver na mismo ang magkusang magbaba ng pasahe depende kung ano pa ang magiging sitwasyon sa presyo ng petrolyo sa world market.

 

(Ulat ni Mon Jocson / UNTV News)

Tags: , , , ,