Isang big time oil price hike ang ipatutupad ng mga oil company simula bukas.
Ayon sa mga industry player, mahigit piso ang itataas sa presyo ng kada litro ng gasolina habang halos piso naman sa diesel at kerosene.
Nauna nang nag-anunsyo ang Flying V at Shell na nakatakdang ipatupad ang dagdag singil alas sais ng umaga bukas. Ang dahilan ng pagtaas sa presyo ay ang tensyon na nagaganap ngayon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Hinarangan ng bansang Iran ang Strait of Hormuz, dito dumadaan ang naglalakihang oil tanker na nagdadala ng 19 milyon barrel per day ng langis sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Nagbanta na si Iranian President Hassan Rouhani kay US President Donald Trump sa pagbibigay nito ng sanction sa Iran kaugnay sa nuclear framework deal ng dalawang bansa.
Inanunsyo naman ng Estados Unidos na gagamitin nila ang pwersa ng US Naval Force upang hindi magambala ang oil trade. Bukod dito, nagambala rin ang oil trade sa Bab el Mandeb Strait dahil sa sigalot sa pulitika ng bansang Saudi Arabia at Yemen.
Ayon sa DOE, dinidiktahan ng mga pangyayaring ito ang presyo ng oil products sa Pilipinas.
Inanunsyo naman ng pamahalaan na tuloy ang pamimigay ng pantawid pasada card sa lahat ng mga jeepney operator hanggang sa susunod na taon.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), posible na mas malaking subsidiya ang matanggap ng mga jeepney operator pagpasok ng taong 2019.
Samantala, isang panukalang batas ang inihain ni Senator Bam Aquino.
Layon ng bawas presyo bill na maibaba ang presyo ng mga bilihin sa pamamagitan ng pagpapahinto sa tax reform law ng pamahalaan.
Ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN law ang lalong nagpataas sa presyo ng oil products.
Kung susumahin, mula Enero hanggang ngayong linggo tumaas na ng halos sampung piso ang presyo ng diesel, gasoline at kerosene matapos ipatupad ang TRAIN law.
Kung wala ang TRAIN, nasa mahigit anim na piso lamang ang kabuuang dagdag presyo ng produktong petrolyo.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: industry player, Iran, oil company