METRO MANILA, Philippines – Isang big time price hike ang ipatutupad ng mga oil company ngayong araw, ika-15 ng Enero. Mahigit dalawang piso ang itinaas sa kada litro ng diesel, mahigit piso sa gasoline at dalawang piso sa kerosene
Ang dahilan ng dagdag-presyo ay ang pagtaas ng halaga ng krudo sa world market.
Ayon sa Department of Energy, reaksiyon na ito ng merkado sa desisyon ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na magbawas ng kanilang produksyon mula Enero hanggang Hunyo.
Pero posible na mas tumaas pa ang presyo dahil sa implementasyon ng dagdag-buwis sa produktong petrolyo. Ayon sa DOE, sa mahigit walong libong gasolinahan sa buong Pilipinas ay nasa apatnaraang gasoline station na ang nagpatupad ng excise tax sa langis.
Mahigit tatlong daang dito ay sa Petron, mahigit apatnapu sa Shell at mahigit dalawampu sa Flying V. Nag-isyu naman ng show cause order ang DOE sa ilang gasolinahan upang ipaliwanag kung bakit nagpatupad agad ng dagdag-buwis
Ani DOE Undersecretary Wimpy Fuentebella, “binibigyan ng pagkakataon na magpaliwanag ang mga nagbebenta kung ano yung mga rason kung bakit sila nagtaas ng presyo” Nagpayo naman ang Department of Energy sa mga consumer na gamitin ang kanilang kalayaan sa pagpili o freedom of choice, magpa-karga sa mga gasolinahan kung saan mas makatitipid nang malaki.
Tags: dagdag singil, diesel, gasolina., kerosene, oil price hike