BFP, aminadong kulang pa rin sa firetruck at mga bumbero

by Radyo La Verdad | March 2, 2018 (Friday) | 2467

Isang simulation exercise kung paano reresponde kapag tumama ang magnitude 7.2 earthquake o ang “The Big One” ang naging tampok sa programa ng Bureau of Fire Protection (BFP) bilang pagbubukas ng Fire Prevention Month ngayong taon.

Itinuturing na Fire Prevention Month ang buwan ng Marso at dito ay nagsasagawa ng iba’t ibang kampanya ang BFP upang mapaalalahanan ang publiko kung paano makaiwas sa sunog lalo na sa panahon ng tag-init.

Aminado naman ang fire bureau na kulang pa rin sila sa tauhan at mga kagamitan, lalo na ng mga fire trucks. Tatlong daang munisipalidad sa ngayon ang walang fire trucks.

Pero ayon sa BFP, gumagawa na ng hakbang ang pamahalaan para masolusyunan ito. Nasa proseso na rin ang BFP sa pag-recuit ng may 2,000 bumbero ngayon taon.

Samantala,  bumaba naman ang insidente ng sunog noong nakaraang taon. Sa datos ng BFP, anim na porsyento ang ibinaba ng fire incidents noong  2017 kumpara noong 2016. Pangunahing sanhi pa rin ng fire incidents ang problema sa linya ng kuryente.

Nakiisa naman ang UNTV News and Rescue Team sa Fire Prevention Month rally ng BFP.

Tinapos ng BFP ang programa sa pamamagitan ng isang unity dance kasabay ang makulay na fire truck shower.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,