BFAR, titiyaking walang formalin o kemikal ang aangkating galunggong

by Radyo La Verdad | August 22, 2018 (Wednesday) | 2709

Tinapatan ng grupong Pamalakaya (National Federation of Small Fisherfolk Organization in the Philippines) ang head office ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa PCA building sa Quezon City.

Sigaw ng mga ito, huwag ituloy ang pagaangakat ng bansa ng 17 libong metriko tonelada ng galunggong.

Ayon sa chairman nito na si Fernando Hicap, ang dapat ay buwagin ang patung-patong na ahente na dinadaanan ng galunggong bago ito makarating sa mga mamimili.

Ito aniya ang dahilan kung bakit mahal ang presyo ng galunggong na ngayon ay umaabot na sa 180-200 kada kilo.

Isa din sa ikinababahala ng grupo ay ang paglalagay umano ng pormalin sa mga imported na galunggong.

Kung magkulang man aniya ang supply ng galunggong ay maaari namang makabili ang mga consumer ng ibang uri ng isda.

Ayon naman kay Agriculture Usec. at BFAR Director Eduardo Gongona, kulang ang supply ng galunggong sa bansa kaya’t kailangan ng umanggkat.

Sa ngayon aniya ay hindi makapasok ang mga lokal na malalaking sasakyang pangisda sa karagatang sakop ng munisipyo dahil nililimitahan ito ng batas o ng Republic Act 3654.

Titiyakin naman anila ng pamahalaan na ligtas at walang pormalin ang aangkating galunggong.

Gumagawa na rin sila ng paraan para mabawasan ang mga ahenteng dinadaanan ng nahuhuling isda para bumaba ang presyo nito.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,