BFAR, tiniyak na dadaan sa masusing pagsusuri ang mga aangkating galunggong

by Radyo La Verdad | August 30, 2018 (Thursday) | 5011

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala silang inilabas na pahayag na hindi dapat bilhin ang mga imported galunggong dahil may formalin ang mga ito.

Kaya naman hindi na dapat mangamba ang publiko sa pagbili nito sakaling matuloy ang pag-aangkat ng bansa sa Setyembre.

Unang-una, ayon sa kagawaran ay hindi sila ang otoridad na mag-aanunsyo kung hindi maaaring ikonsumo ng publiko ang isang pagkain, maliban na kung ito ay gamot o processed food na nabibili sa merkado.

Anila, kung sakali namang mapatunayan ng Department of Agriculture (DA) na may formalin content ang anomang pagkain, maaari silang makatulong upang magsagawa ng imbestigasyon.

Nag-iingat ang kagawaran na makapaghatid ng panic sa publiko lalo na’t hindi kumpirmado ang impormasyon.

Paalala ng DOH sa publiko, kumpirmahin ang anomang natatanggap na impormasyon o datos mula sa kanilang tanggapan.

Samantala, muling inulit ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na walang nakitang formalin sa sample ng mga galunggong na kanilang sinuri mula sa Balintawak Market, Cubao Farmer’s Market at Navotas Fish Port.

Ayon pa kay Usec. Eduardo Gongona, itutuloy nila ang pag- iimport ng galunggong lalo na’t dadaan naman ito sa matinding pagsusuri bago ito maipasok sa merkado

Pangunahin aniyang isinasa alang-alang ng kagawaran ang kaligtasan at kalusugan ng mga Pilipino.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,