BFAR, pinaiiwas muna ang mga mangingisda sa disputed areas sa West Philippine Sea

by Radyo La Verdad | April 24, 2015 (Friday) | 956

BFAR
Pinayuhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang mga mangingisda sa west Philippine Sea na magingat sa mga disputed areas.

Sinabi ni BFAR Director Asis Perez na hanggat maari ay umiwas muna sa mga lugar kung saan maaring tumas ang tensyon dahil sa presensya ng chinese coast guard sa lugar.

Bunsod nito, nagbigay na umano sila ng mga designated areas kung saan maaaring mangisda upang hindi maapektuhan ang kanilang hanapbuhay.

Bagaman hindi direktang tinukoy ang mga lugar na pinaiiwasan ng BFAR, ilang linggo lamang ang nakakaraan nang may napabalitang insidente ng pambobomba ng chinese coast guard ng water cannon sa mga pilipinong nangingisda sa Bajo De Masinloc.

Iginiit ni Perez na mas maiging huminahon at ipaubaya na lamang sa magiging desisyon ng international tribunal ang isyu sa territorial dispute para hindi na lumala pa ang sitwasyon.(Jerico Albano/UNTV Radio Correspondent)