Muling nagpaalala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa Region V na huwag hulihin, ibenta o kainin ang isdang biya na matatagpuan sa iba’t ibang karagatan sa Bicol region.
Ayon kay Marine Fisheries Resource Management Section Chief Nonie Enolva, may mga naitala ng insidente na namatay sa pagkain ng biya sa Bicol.
Kabilang na rito ang 3 magkakapatid sa Jose Panganiban, Camarines Norte na nasawi noong Pebrero dahil sa pagkain ng isang uri na biya o kilala sa lokal na tawag na “tambagoy”.
Ayon kay Enolva,may dalawang libong uri ng biya na matatagpuan sa Pilipinas at tatlo sa mga ito ay nakalalason.
Kabilang na ang Gobius Criniger o goby fish, Lagocephalus-Lagocephalus o oceanic puffer fish at ang Lagocephalus Lunaris na mas kilala sa tawag na botete o tikong.
Nagtataglay ng kemikal na Tetrodotoxin ang mga isdang ito na nakalalason sa sinumang kakain.
Namigay na ng posters at flyers ang BFAR sa publiko upang makaiwas sa nakalalasong isda.
Maaari ding makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa anumang katanungan o impormasyon.
(Allan Manansala / UNTV Correspondent)
Tags: BFAR, Bicol, uri ng biya