Nanawagan si Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Nestor Domenden na makiisa ang mga Pilipino sa pagbibigay proteksyon at pangangalaga sa mga isda at yamang tubig bilang pagdiriwang ng ika-59 na Fish Conservation (Fiscon) Week na may temang “Pagkain ng bansa siguruhin, Likas-kayang produksyon ng isda isulong natin” ngayong linggo mula September 12-16.
Layunin ng selebrasyon na maingatan ang mga anyong tubig at mga organismong nakatira rito upang matiyak na may sapat na pagkaing isda sa kinabukasan, maisulong ang produksyon ng mga pangisdaan at makapagbigay ng abot-kayang mga bilihin sa pamilihan.
Naniniwala ang ahensya na kinakailangang maging bukas sa pagbabago ang gobyerno upang manatiling produktibo at tangkilikin ang paggamit ng teknolohiya nang makamit ng bansa ang food self-sufficiency sa pamamagitan ng modernisasyon.
Nais din ng BFAR na i-commercialize o gawing mapagkukunan ng pagkakakitaan ang aquaculture ng Pilipinas.
Kaalinsabay ng ika-59 na Fishcon ay ang pagdiriwang naman ng Maritime and Archipelagic Awareness Month at mga paglilinis sa baybayin sa ilalim ng Proclamation 613, kung saan iba’t ibang gawain sa central at lahat ng regional offices ang nagawa na at nakatakda pang gagawin.
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)
Tags: BFAR, Fishcon Week