Bentahan ng sugar sweetened beverages, bumaba dahil sa TRAIN Law

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 4349

Bumaba ang bentahan ng sugar sweetened beverages sa mga tindahan isang buwan matapos ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ayon sa Nielsen, isang consumer data analytics company, kabilang sa bumagsak ang benta ay ang powdered juice drinks, bumaba ito sa 15.4% ngayong taon mula sa 1.7% noong Pebrero 2017.

Ang powdered tea, mula 3.4% noong Pebrero 2017, bumaba ng 18.1% ngayong taon. Ang carbonated drinks, mula 4.1% noong Pebrero 2017, bumaba ang bentahan nito ng 7% ngayong 2018.

Ayon sa Supermarket Association of the Philippines, napansin nila na nagbago rin ang paraan ng pamimili ng mga consumer mula ng tumaas ang presyo ng ilang bilihin dahil sa TRAIN law.

Mas naging mapili daw ang mga consumer sa produktong bibilhin

Pero ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), pansamantala lamang ito at muling lalakas ang bentahan ng sweetened beverages.

Patuloy namang mag-momonitor ang DTI sa mga pamilihan upang matiyak na walang aabuso na magtataas ng sobrang presyo ng mga bilihin.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,