Bentahan ng pork products sa Ilang palengke, matumal

by Radyo La Verdad | August 27, 2019 (Tuesday) | 2366

Wala pang nai-ulat na pagtaas sa presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan ngayon. Ayon kay Agriculture Sec. William Dar, indikasyon ito na sapat ang suplay nito maging sa pagpasok ng ber months.

 “Wala pang problema sa supply. ‘Yan ang commitment ng hog raisers, the commercial raisers. Gayunman, umaangal ang ilang tindero ng pork products dahil sa mahinang bentahan bunsod umano ng mga napapabalitang pagkakasakit at pagkamatay ng mga baboy,” ani Sec. Willam Dar ng Department of Agriculture.

Ayon kay Mark Angelo Benabente, isang tindero ng baboy, “’Yung mga tao natatakot na bumili kasi yung sa mga balita.”

Dagdag naman ni Aileen Caballero, tindera rin ng baboy, “Matumal talaga dahil sabi nila may sakit daw lahat ng tao ayaw na kumain dati nakakatinda ako ng 4 ngayon 2 pahirapan pa.”

Sa kabila ng pangamba ng iba, may ilan pa rin namang mamimili ang tumatangkilik pa rin ng karneng baboy.

Ayon kay Joan Menoy, isang mamimili, “May mga suki rin naman kami tsaka tinitignan ko naman kung ano yung binibili kong baboy.”

Pahayag din ni Cathreen Das, isa ring mamimili, “Hindi naman naniniwala naman ako na bago binebenta dito yung mga baboy dumadaan muna siya sa meat inspection.”

Samantala, tiniyak ng Department of Agriculture na pagkakalooban nila ng cash assistance ang mga hog raiser na nakumpiskahan ng alagang baboy upang patayin. Bukod sa tatlong libong piso para sa bawat may sakit na baboy, magbibigay din sila ng ayudang mga biik kapag ligtas na sa sakit ang apektadong lugar.

Patuloy namang sinusuri ng DA kung anong sakit ang pumapatay sa mga alagang baboy sa ilang lugar sa bansa.

(Asher Cadapan, Jr. | UNTV News)

Tags: , ,