Bentahan ng holiday food items sa supermarket at grocery stores, matumal

by Radyo La Verdad | December 14, 2022 (Wednesday) | 3655

METRO MANILA – Matumal pa ang bentahan ng holiday food items ngayong sa ilang supermarket at grocery stores.

Ayon sa Philippine Amalgamated Supermarkets Association, bagamat may sapat na supply mula sa manufacturer, posibleng nagko-control ang mga mamimili sa paggastos dahil na rin sa mahal ng mga bilihin.

Samantala, idinepensa naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang so-called price guide sa social media kung saan nakasaad na maaari nang pagkasyahin ng pamilyang may 4-5 miyembro ang P500 para sa kanilang holiday meal.

Sa isang panayam, sinabi ni DTI Assistant Secretary Ann Cabochan na ang infographics ay sinadya upang maging isang adbokasiya at hindi isang pagpataw sa mga mamimili o rekomendasyon sa kung ano ang bibilhin.

Batay sa price guide ng DTI, makabibili na ang mga mamimili ng spaghetti, pandesal, salad, baboy, ham at keso sa halagang wala pang P500 basta’t may mga pinakamurang tatak at pagpipilian.

Sa ilang pangunahing supermarkets ay may mabibili ang ating mga kababayan ng mga bundled holiday food items o kaya naman ay pang salad o di kaya ay parehong pang spaghetti o salad.

Kaya gaya ng laging payo ng DTI sa publiko, piliin kung saan mas makakamura at maging wais sa pagbili lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng inflation.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,