Benepisyo ng mga kasambahay, dinagdagan sa ilalim ng pinalawak na Kasambahay Law

by Radyo La Verdad | December 7, 2018 (Friday) | 1713

Magandang balita para kay Mang Gardo Makailao, limangpu’t isang taong gulang ang bagong Kasambahay Law na tinalakay ni Atty. G., Atty. Minnie at ang guest nilang si Dean Cecilio Duka sa programang Huntahang Ligal ng UNTV at Radyo La Verdad 1350.

Base sa Republic Act 10361, mas pinaganda ang mga benepisyo para sa mga full time na kasambahay tulad ng mga yaya, hardinero, drayber at iba pang mga house helper.

Si Mang Gardo ay dating nagtrabaho bilang isang construction worker. Bagaman nakaka-anim na raan siya araw-araw, wala namang mga benepisyo at seguridad ang empleyo at trabaho.

Ngayon, may isang taon nang hardinero at masasabing maayos ang kaniyang pinagtratrabahuan kumpara sa dati.

Pamilyado at may apat na anak si Mang Gardo. Nasa minimun, o tumatanggap siya ng mahigit tatlong libong pisong sweldo kada buwan. Nakakatanggap din ng ilang mandatory government benefits maliban lang sa SSS.

Kung dati sa Metro Manila mula 800 monthly lamang pataas ang sweldo ng mga kasangbahay, pero dahil saklaw na rin sila ngayon ng regional wage board ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 3,500 na ang minimum na sahod at maaaring itaas pa ang sweldo,depende sa pag-aaral ng regional wage board.

Nandiyan din ang pagbibigay sa kanila ng day off, service incentive leave kapag naka-isang taon na, may 13th month pay na rin at may pagkakataon na rin silang makapag-aral kung kanilang gugustuhin, depende sa kasunduan para sa iskedyul ng trabaho at pag-aaral.

Kung mababa sa limang libo kada buwan ang sweldo ng kasambahay, sagot ng employer o amo ang lahat ng kontribusyon nito at magkakaroon lang ng share ang kasambahay kung lagpas ang sweldo sa limang libo kada buwan. Pinagbabawalan din ang mga manpower agency na makakuha ng komisyon sa sweldo ng mga kasambahay.

Sinasabi din sa Section 5 ng batas na may sariling privacy area din ang kasangbahay na hindi basta-basta pinapasok. Libre din ang pagkain tatlong beses sa isang araw at panganagilangang medikal.

Ayon kay Dean Cecilio Duka, may kaukulang multa ang paglabag sa mga probisyon ng Kasambahay Law.

Mapapanood ang Huntahang Ligal sa UNTV at mapapakinggan sa Radyo La Verdad 1350 tuwing Martes at Huwebes, alas otso y medya hanggang alas nuwebe y medya ng umaga.

Bukas din ang kanilang hotline numbers para sa mga katangungan tungkol sa batas.

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,