BCA school administrator James Jaucian, humingi ng tawad sa magulang ng mga bata na sinunog ang mga gamit at bag

by Radyo La Verdad | August 22, 2018 (Wednesday) | 4863

Nagharap na ang school administrator ng Bicol Central Academy (BCA) at board member na si James Jaucian at ang mga magulang ng mga estudyanteng sinunog ang mga bag na may lamang mga gamit sa Libmanan, Camarines Sur.

Emosyonal na binasa ni board member Alexander James Jaucian ang kaniyang inihandang statement bilang paghingi ng tawad sa mga magulang ng labing apat na estudyanteng sinunog niya ang mga bag at gamit.

Sa dayalogo na pinangunahan ng Department of Education DepEd Region 5, ipinaliwanag ni Jaucian na ang nangyaring panununog ng gamit ay bilang disciplinary action niya sa hindi pag sunod ng mga bata sa Tatsumaki Day, kung saan nakatakdang magturo ang ilang senior high school sa elementary level. Nilabag daw ng mga mag-aaral ang dress code at no bag policy.

Gayunpaman, amindo si Jaucian na mali ang kaniyang ginawa. Dahil sa pangyayari, pinatawan si Jaucian ng tatlong buwang suspension ng walang sahod ng board of trustees ng paaralan.

Pinababayaran din sa kaniya ang lahat ng mga gamit ng estudyante na kaniyang sinunog. Obligado rin siya na sumalalim sa developmental course at social media ethics seminar.

Habang ang DepEd Region 5 naman ay inirerekomenda na mag-leave of absence si Jaucian. Plano na rin ng DepEd na ipawalang bisa ang lisensya para sa operasyon ng senior high school ng paaralan.

Sa kabila ng paghingi ng tawad ni Jaucian, nag-aalala pa rin ang ilang magulang sa kalagayan ng kanilang mga anak.

Nakiusap naman si Jaucian na tapusin na ang isyu at huwag nang haluan pa ng pulitika ang nangyari dahil apektado na rin ang kanyang pamilya sa nangyari

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

Tags: , ,