METRO MANILA – Personal na pupunta sa Batasang Pambansa si Presumptive President Bongbong Marcos para sa kanyang proklamasyon bilang president-elect.
Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Vic Rodriguez, dedepende ang oras ng pagpunta ni Marcos kung kailan matatapos ang bilangan ng boto.
Nagpasalamat naman si Rodriguez sa kampo nina Vice President Leni Robredo at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa pagkilala sa resulta ng eleksyon.
Kahapon (May 24), nakapanayam ng presumptive president ang 2 hanggang 3 personalidad na posibleng maging parte ng administrasyong Marcos.
Sa Biyernes (May 27), posibleng isapubliko ang ilan sa mga pangalan na nominado para sa binubuong gabinete.
Samantala, ang kanyang running mate at Presumptive Vice President Sara Duterte-Carpio, sisikapin na makapunta sa proklamasyon.
Sa isang pahayag sinabi ng tagapagsalita nito na si Mayor Christina Frasco na may mga naunang lakad na ang alkalde gaya ng pagbisita sa isang lamay at ilang pulong sa Antique at Iloilo.
Aniya, susubukang makapunta ng presumptive vice president at best efforts aniya na makaabot sa proklamasyon.
Kung walang magiging malaking balakid sa bilangan, kumpyansa ang ilang mambabatas na maisasagawa rin ang proklamasyon ngayong araw (May 25).
(Harlene Delgado | UNTV News)