Bayanihan to Arise as One Act , pagdedebatehan na sa plenaryo ng kamara

by Erika Endraca | May 25, 2021 (Tuesday) | 25836

METRO MANILA – Nasa P405.6-B ang kabuuang pondo na kailangan para tustusan ang 3 yugto ng panukalang Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3.

Ang Phase 1 ay paglalaanan ng P167-B kung saan ang P108-B ay para sa 1,000 cash assistance sa bawat Pilipino anu man ang estado sa buhay.

Pero maaari ring magkaroon pa ng iba pang ayuda ang isang pamilya.

Halimbawa na dito ay ang 5-10 Thousand Pesos onetime case assistance sa bawat pamilyang maaapektuhan ng pagdedeklara ng Enhanced Community Quarantine sa isang lugar.

Kasama rin sa paglalaanan ng pondo ang wage subsidy sa mga apektadong kumpanya at dagdag na pondo para sa emergency employment para sa informal at formal workers maging sa mga OFW.

May medical assistance din para sa mga pinaka-mahihirap; pondo para sa libreng swab test ng mga seafarers at OFW; pension para sa uniformed personnel at suporta para sa basic education.

Ilan sa mga posibleng pagkunan ng pondo ay ang mga saving o hindi nagastos mula sa pambansang pondo ngayong taon.

Maaari ding panggalingan ng pondo ang mga sobrang nasingil na buwis ng gobyerno at ang isa pa ay ang pagpapataas ng remittance ng mga Government Owned and Controlled Corporation (GOCC).

Ayon sa batas, 50% ang dapat na iremmit sa national government ng kita ng mga GOCC pero kung maipapasa ang Bayanihan 3 ay magiging 75% na ito.

“Ang challenge since napaka-kaunti lang ng pondo na pinaguusapan siyempre ang bawat kongresista ay naturally nagpu-push ng kanilang mga advocacies. So inaasahan talaga natin magkaka debate pa po dyan” ani Marikina City Rep. Stella Quimbo.
291 na sa 300 kongresista ang pumirma bilang co-author ng Bayanihan 3 na unang ipinanukala ni Speaker Allan Velasco at Marikina Representative Stella Quimbo.

“This is the first time in my stay in congress that 291 congressmen signed up to be co-authors of one bill” ani Committee on Economic Affairs Chairperson, Rep. Sharon Garin.

Ayon kay Committee on Economic Affairs Chairperson Sharon Garin, maaaring magkaroon ng special session ang Kongreso kung sesertipikahang urgent ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan 3.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,