Bawas-presyo sa produktong petrolyo, inaasahan sa ika-walong sunod na linggo

by Jeck Deocampo | December 3, 2018 (Monday) | 12677

METRO MANILA, Philippines – Ipatutupad ang isang big time oil price rollback ng mga oil company ngayong linggo.  Ito na ang ika-walong sunod na linggo na nagkaroon ng bawas-presyo sa produktong petrolyo.

 

Ayon sa mga industry player, magkakaroon ng ₱2.00/litro na bawas sa presyo ng gasolina, ₱2.10/litro sa diesel habang ₱2.00/litro naman ang bawas sa presyo ng kerosene.

 

Noong Sabado ay nag-price rollback na ang Phoenix Petroleum. Ngayong umaga naman ay planong mag-adjust ng presyo ang Seaoil at sa Martes naman ng umaga ang rollback magpapatupad ang Shell, Caltex at PTT Philippines.

 

Sa loob ng walong linggo, umaabot na sa mahigit ₱12 ang rollback sa gasolina habang umaabot na sa mahigit ₱10 ang rollback sa diesel. Halos katumbas na ng kabuoang bawas-presyo sa loob ng walong sunod-sunod na linggo ang kabuoang bawas-presyo sa produktong petrolyo sa buong 2018.

 

Ngunit ayon sa Department of Energy, posible na mahinto na ang pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo kapag natuloy ang pagpupulong ngayong linggo ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC).

 

“Maaring magkaroon ng adjustment ng prices. Baka ‘yung nararanasan na sunod-sunod na pagbaba, maaaring magkaroon na mag-even lang o kaya’y magkaroon ng increase. ‘Yun ang posibilidad,” ani Assistant Director Del Romero ng Oil Industry Management Bureau, DOE.

 

Napansin ng OPEC na lubhang lumalaki ang supply ng langis na posibleng ikalugi nila kung hindi ito lahat magagamit o makokonsumo.

 

Ulat ni Mon Jocson / UNTV News

Tags: , , , ,