Makikipagpulong ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Elections (COMELEC) upang talakayin ang mga panuntunang ipatutupad kaugnay ng pagsasagawa ng political events para sa 2022 national elections.
Gayunman, binigyang-diin ng DILG na bawal ang malalaking pagtitipon dahil sa potensyal na maging superspreader events.
“Definitely po, bawal po ang superspreader events. So ang paalala po ng DILG sa ating mga kumakandidato dito sa ating eleksyon 2022 ay dapat po maging ehemplo sila, maging ehemplo sila ng ating mga kababayan dahil di pa rin po tapos ang pandemiya,” ani Usec. Jonathan Malaya, Spokesperson, DILG.
Si Dr. Edsel Salvana, miyembro ng Department of Health- Technical Advisory Group, hindi rin sang-ayon sa pagsasagawag face-to-face o in person campaigns.
“Kung maiiwasan natin yung mga potential superspreader events lalo na kung maramihan talaga yung mga tao, iwasan muna natin kasi bagaman binaba natin from alert level 4, nasa alert level 3 pa rin tayo, ibig sabihin, wala pa tayo dun sa level na pwede nating sabihin na hindi na tataas ‘yan,” pahayag ni Dr. Edsel Salvana, DOH-Technical Advisory Group.
Samantala, iniimbestigahan pa ng DILG ang Batangas event ni presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso noong nakalipas na linggo.
Sinabi na ni Interior Secretary Eduardo Ano na sinisiyasat nila kung may posibleng paglabag sa health protocols kaugnay ng event.
Hinihintay pa ng DILG ang detailed report mula sa Philippine National Police.
Rosalie Coz | UNTV News
Tags: Covid-19, DILG, JONATHAN MALAYA, superspreader events