Batayan ng pinalawig na martial law sa Mindanao, taliwas sa Saligang-Batas – Constitutionalist

by Radyo La Verdad | December 15, 2017 (Friday) | 3429

Hindi umano tugma sa konstitusyon ang batayan ng muling pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Ayon kay Atty. Christian Monsod na kabilang sa bumalangkas sa 1987 constitution, pinapayagan lamang ang extension ng batas militar kung hindi pa natatapos ang rebelyon na naging dahilan ng proklamasyon nito.

Tapos na aniya ang rebelyon ng Maute-Isis sa Marawi City kaya’t hindi na dapat pinalawig pa ng isang taon ang batas militar sa Mindanao.

Panibagong proklamasyon aniya ang dapat gawin kung ang dahilan nito ay ang pagsupil sa ibang terorista at armadong grupo sa Mindanao gaya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at New People’s Army.

Tinalikuran din aniya ng Kongreso ang tungkulin nito na siyasatin ang pagpapalawig ng batas-militar dahil inaprubahan kaagad ito matapos ang ilang oras na deliberasyon.

Idineklara ang batas militar sa Mindanao noong Mayo dahil sa pag-atake ng Maute-ISIS sa Marawi City. Una itong pinalawig noong Hulyo at nakatakda sanang mapaso sa December 31.

  

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,