Batas ukol sa pagbabawal ng no permit no exam, pinirmahan na ni PBBM

by Radyo La Verdad | March 18, 2024 (Monday) | 10693

METRO MANILA – Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang Republic Act 11984 o ang batas na nagbabawal sa no permit no exam policy sa mga eskwelahan.

Sa ilalim nito ang lahat ng public at private educational institutions ay inuutusan na i-accommodate at payagan ang mga estudyante na makapag-take ng periodical at final exams, kahit na hindi pa nakapagbayad ng tuition at iba pang bayarin. Hindi na rin kinakailangan na kumuha pa ng permit.

Bukod dito inaatasan din ang lahat ng municipal, city at provincial social welfare and development offices o regional offices ng DSWD, na mag-issue ng kinakailangang certificate para sa mga disadvantage students sakaling mayroong kalamidad, emergencies at iba pang kadahilan basta’t nakasaad sa Implementing Rules and Regulations (IRR) na babalangkasin ng DSWD.

Hindi naman inaalis ng batas ang karapatan ng mga eskwelahan na mag-require ng pagsusumite ng promissory note, at i-hold ang credentials ng mga estudyante, kung hindi pa rin sila nakapagbabayad ng tuition at iba pang bayarin.

Ang mga lalabag sa batas na ito ay maaaring patawan ng administrative sanctions alinsunod sa polisiya ng Department of Education at TESDA.

Tags: , ,