METRO MANILA – Hindi na akma sa panahon para sa Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippine (ALU-TUCP) ang Republic Act 6727 o ang Wage Rationalization Act na naisabatas noong pang 1989.
Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Alan Tanjusay, malayo na ang kasalukuyang halaga ng minimum wage kumpara sa pangangailangan ng mga manggagawa.
Ang pinakamababang minimum wage sa Pilipinas ay sa Region 1 na nasa P282 hanggang P350 habang ang pinakamataas naman ay sa Metro Manila na umaabot ng P537.
Ayon sa labor group, kapag ginastos na aniya ang sweldo sa pagkain, bayarin ng kuryente at tubig, at iba pang gastusin ay mas mababa pa ang buying power o halaga nito.
“Ang kalalabasan nito yung tinatawag na real wage, yung purchasing power. So dahil sa mga percentage na ito ay ibabawas mo doon sa nominal wage na P537 ang kalalabasan na buying power ng minimum wage ngayon sa metro manila ay P433.” ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.
Ayon naman sa National Wage Productivity Commission (NWPC), bukod sa pangangailangan ng mga manggawa ay may iba pang ikinukunsidera ang wage board sa bawat rehiyon sa pagtatakda ng minimum wage.
“Pag tiningnan po natin yung needs of workers and their families, pwede pong sabihin na hindi na talaga siya sapat. But yung nga po nakalagay din sa batas na kailangan mo rin siyang ibalance din doon sa employers capacity to pay at saka doon sa requirements of economic development” ani NWPC Executive director, Ma. Criselda Sy.
Ayon pa sa labor group, ang dapat na arawang kita ng isang manggagawa ay nasa 1,200 para makatustos ng pangangailangan ng isang pamilya.
Pero hindi naman aniya dapat itong ipasagot lang sa mga employer kundi tumulong ang gobyerno tulad ng pagbibigay ng sabsidiya.
May mga bansang mas mababa pa ang minimum wage kumpara sa pilipinas gaya ng bangladesh, pakistan, at myannmar kung san nasa P150 ang arawang kita.
Hindi naman nalalayo ang minimum wage ng Pilipinas sa mga bansang Mongolia, Cabodia, Vietnam, Thailand at China.
Nasa 3 hanggang 10 beses naman na mas mataas ang arawang kita sa Hongkong, Taiwan, South Korea, Japan, New Zealand at Australia.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: ALU-TUCP