METRO MANILA – Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagpapababa sa height requirements ng mga papasok sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Corrections (BuCor).
Pinirmahan ng Pangulo ang Republic Act (RA) 11549 o PNP, BFP, BJMP, and BuCor Height Equality Act noong Miyekules, Ika -26 ng Mayo, 2021.
Sa ilalim ng batas na ito , mula sa 1.62 meters, ibinaba sa 1.57 meters ang minimum height requirement para sa mga male applicant habang nasa 1.52 meters mula sa dating 1.57 meters naman sa mga female applicant.
Nakasaad din dito na ang mga aplikante na kabilang sa cultural communities o indigenous peoples ay awtomatikong naka-waived sa height requirements.
Samantala, ang mga bagong aplikante ay dapat may edad na hindi bababa sa 21 taong gulang at hindi hihigit sa 40 taong gulang.
Inatasan naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) na iparating sa mga kinauukulan ang mga patakaran at regulasyon sa loob ng 90 araw pagkatapos magkabisa ang batas.
(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)