METRO MANILA – Ipatutupad na simula ngayong araw ang pinakabagong child safety motor vehicles act o ang child car seat law.
Sa ilalim nito, obligado ang mga pribadong sasakyan na gumamit ng car seat para sa batang pasahero na edad 12 pababa.
Batay sa implementing rules and regulations ng batas, kinakilangan sakto sa edad tangkad at timbang ng batas ang kalidad ng gagamit car seat, at dapat ay nakasunod sa standards na itinatakda ng Department of Trade and Industry (DTI).
Pero exempted dito ang mga batang kung aabot na sa 4’11 ang kanilang sukat dahil sakto na height na ito para magsuot ng seat belt, gayundin ang mga bata na may medical condition.
“Ito naman sa kabutihan ng ating mga kabataan there is a number of children victims of road crash 52% of the victims of road crash incidents eh mga bata you know mga bata very fragile pa ito so they need for more protection” ani LTO-NCR Director, Atty. Clarence Guinto.
Papatawan ng multang P1,000 para sa first offense ang sinomang mahuhuling lumalabag sa batas, P2,000 kung second offense at P5,000 para sa third offense at suspensyon ng lisensya sa mga susunod pang paglabag.
Pwede ring pagmultahin ng halagang P50,000 hanggang P100,000 ang mga manufacturer, importer at retailers na mahuhuling nagbebenta ng mga substandard na car seat.
Bagaman epektibo na ang bagong batas, tiniyak naman ng lto na hindi pa sila manghuhuli ng mga lumalabag sa halip ay paiigtingin muna nila ang information drive.
“Nasa info campaign pa lang kami wala pa kaming huli ngayon kaya…but we are informing the public ngayon na maghanda na rin sila….ngayon pa lang magpapara na kami pero we will not issue tickets”ani LTO-NCR Director, Atty. Clarence Guinto.
Ayon sa lto posibleng umpisahan ang striktong pagpapatupad ng batas at panghuhuli ng mga lumalabag sa loob ng susunod na 3 hanggang 6 na buwan.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: Car Seat