METRO MANILA – Naghain ng isang panukulang batas si Senador Sherwin Gatchalian ukol sa pagtatatag ng mga sekondaryang paaralan na dalubhasa sa Math at Science sa lahat ng lalawigan dahil sa paniniwalang ang kasanayan sa 2 asignaturang ito ay ang susi sa pag-unlad ng ekonomiya.
Upang mabigyan ng pokus ang Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) sa basic education, layon ng Senate Bill No. 476 o Equitable Access to Math and Science Education Act na magkaroon ng isang manggagawang bihasa sa Math at Science na may kakayahan sa kritikal na pag-iisip, financial literacy, at paggawa ng desisyon na nakabatay sa ebidensya.
Ayon sa panukala, magtatayo ang mga lalawigang walang kahit isang public Math at Science high school ng mga institusyong magpapatupad ng 6 na taong pinagsamang Junior at Senior high school curriculum na nakatutok sa Advanced Science, Mathematics, and Technology subjects sa tulong at gabay ng Department of Education (DepEd) at Department of Science and Technology (DOST).
Ang mga nakapagtapos mula sa mga itatayong Math at Science high school ay kinakailangang mag-enroll sa kurso tulad ng Pure and Applied Sciences, Mathematics, Engineering, teknolohiya o anomang naaangkop ng Commission on Higher Education.
Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamababang bilang ng mananaliksik na mayroon lamang 186 sa bawat milyong naninirahan sa Pilipinas batay sa datos ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Institute of Statistics.
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)