METRO MANILA – Naghain ng “Build, Build, Build” Bill ang dating DPWH Head na si Sen. Mark Villar na naglalayong ipagpatuloy ang paglinang sa mga imprastraktura mula sa administrasyong Duterte at mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
Ayon kay Villar, ang pagpasa ng batas na ito ay makatutulong na mapaunlad ang mga kalsada, tulay, at iba pang impastraktura sa bansa at magbubukas din ng oportunidad na makapagtrabaho ang mga Pilipino.
Ang “Build, Build, Build” bill ay naglalatag ng mga patakaran at estratehiya na dapat gawin ng gobyerno sa mga proyektong pang-imprastraktura na bibigyang prayoridad at lilikha ng 30-taong National Infrastructure Program para sa bansa.
Kasama na rito ang papel ng mga ahensya sa sektor ng transportasyon, enerhiya, mapagkukunan ng tubig, teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon, mga sistema ng imprastraktura ng lipunan, at iba pang pangunahing pasilidad sa ibabaw ng bansa na kailangan upang maisakatuparan ang programa.
Nakatitiyak si Villar na makatutulong ang bill na ito sa paghikayat ng mga investor, maparali ang paglikha ng trabaho, mapalago ang ekonomiya, at mapabuti ang kalidad ng buhay sa urban at rural na sektor ng bansa.
(Peter John Salvador | La Verdad Correspondent)