Ipinasa ngayong araw ng Ontario Government ang Cap and Trade Cancellation Act. Ito ang magpapatigil sa carbon tax o pollution tax na sinisingil sa mga mamamayan at mga negosyo bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang carbon emmission sa bansa.
Ayon sa Ontario Government, sa pamamagitan nito ay makakatipid ng dagdag na 260 US Dollars ang mga mamamayan dahil mababawasan ang halaga ng gasoline.
Mas makakaluwag din anila ang mga business owner lalo na ang mga maliliit na negosyante at makakapag-concentrate sa pagpapalaki ng kanilang negosyo at pagbibigay ng karagdagang trabaho.
Ang hakbang na ito ng Ontario Government ay kasunod ng anunsyo ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau na magpapatupad ng mas malaking carbon tax sa mga probinsya na wala umanong ginagawa upang mabawasan ang kanilang carbon emissions.
Ayon sa pamahalaan ng Ontario, isa sila sa lumalaking coalition upang labanan ang naturang carbon tax na wala umanong nagagawa upang makabawas sa carbon emission bagkus ay nakapagpapahirap sa mga mamamayan.
Samantala, sinabi naman ng Ontario Government na bago matapos ang panahon ng taglagas ay maglalabas sila comprehensive environment plan kaugnay sa pagpoprotekta ng hangin, tubig at kalikasan sa bansa at proyekto para sa mabawasan ang greenhouse gas emission.
( UNTV Correspondent / Noel Poliarco )