Batas na nagbabawal sa pagangkas ng bata sa motorsiklo, nilagdaan na ni Pangulong Aquino

by dennis | August 6, 2015 (Thursday) | 1991
File photo: UNTVweb.com
File photo: UNTVweb.com

Nilagdaan na ni Pangulong Aquino ang panukalang batas na nagbabawal sa mga motorcycle rider na magangkas ng bata.

Nakasaad sa Republic Act 10666 na hindi ipinahihintulot ang sinuman na nagmamaneho ng two wheeled motorcycle na magangkas ng bata sa mga pampublikong kalsada kung saan maraming motorista ang bumabaybay na may speed limit na lagpas sa 60kph.

Ito ay liban na kung ang batang angkas ay kayang tumapak sa standard foot peg ng motorsiklo, kayang maabot at makakapit sa baywang ng driver ng motorsiklo at kung ito ay nakasuot ng standard protective helmet alinsunod sa RA 10054 o Motorcyle Helmet Act of 2009.

Ang sinumang lalabag ay pagmumultahin ng P3,000 sa first offense habang P5,000 naman kapag naka-2nd offense at P10,000 naman sa 3rd offense.

Sa 3rd offense ay susupindihin na ng isang buwan ang drivers license at automatic revocation naman ng lisensya kapag patuloy pang lalabag.

Pinirmahan ni Pangulong Aquino ang naturang batas noong July 21 matapos maipasa sa Senate at House of Representatives noong May 27.(Jerico Albano/UNTV Radio)