Kagaya sa ibang lugar sa bansa, problema din sa probinsya ng Rizal ang sobrang dami ng basurang nakokolekta. Upang mabawasan ito ay nagtayo ng material recovery facility o MRF sa bawat barangay sa lalawigan.
Dito dinadala ng barangay ang mga nakokolektang basura tulad ng mga plastic bottles, bote karton at mga bakal gaya ng lata upang ma-reclycle.
Tumatanggap din ang ibang MRF ng mga biodegradable materials gaya ng bao ng buko na ginagawa namang pataba sa lupa.
Pero hindi lahat ng mga residente ay nakikiisa sa proyektong ito ng lokal na pamahalaan kaya naman iba’t-ibang incentive ang ginagawa ngayon ng mga opisyal upang mahikayat ang mga ito na magsagawa ng waste segregation.
Sa bawat tatlong kilong makokolektang recyclable materials ay tatapatan ito ng isang kilong bigas at dalawang lata ng sardinas ng MRF.
Puspusan ang pagsusulong ng lokal na pamahalaan ng Rizal at maging ng mga environmentalist na matuto ang mga residente ng waste segregation, lalo na at posibleng hindi na makaabot sa 2022 expected lifespan ang Rodriguez Sanitary Landfill dahil maging ang mga basura mula sa Metro Manila ay dito dinadala simula nang ipasara ang Payatas Landfill.
( Jennica Cruz / UNTV Correspondent )
Tags: basura palit bigas, Rizal, waste segregation