METRO MANILA – Nagbabala ang Commission on Human Rights matapos na maglabas ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay na magsumite ng listahan ng mga hindi pa bakunadong residente kontra COVID-19.
Nagpaalaala ang komisyon sa gobyerno na dapat ang paggalang sa karapatang pantao ang pangunahing konsiderasyon sa pagbuo ng mga polisiya upang tugunan ang pandemiya.
Sa isang pahayag, iginiit ni Commission on Human Rights Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia na hindi dapat magresulta sa paglabag sa karapatan sa privacy ng mga indibidwal ang hinihinging listahan ng unvaccinated residents.
Dapat ding hindi ito makapagil sa pag-access ng pangunahing pangangailangan at serbisyo ng mga hindi pa bakunado.
Ayon pa sa tagapagsalita ng komisyon, hindi dapat maging dahilan ang pandemiya upang maisantabi ang mga batas at human rights standards na nagbibigay-proteksyon sa karapatang-pantao at dignidad sa lahat ng sitwasyon.
Nanindigan naman ang DILG na walang paglabag sa privacy dahil ang pagkuha ng datos ng unvaccinated ay para sa legitimate purpose at kinakailangan ang datos upang maipatupad ng maayos ang quarantine protocols.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbigay ng direktiba na dapat limitahan ang paggalaw ng mga di pa bakunado sa gitna ng pagsipa ng COVID-19 cases sa bansa.
Kasunod nito ay nagkasundo ang Metro Manila Council na rendahan ang galaw ng mga unvaccinated at halos lahat ng lokal na pamahalaan, naglabas ng ordinansa kaugnay nito.
Gayunman, pinapayagan namang lumabas ang mga di pa bakunado kung bibili ng essential goods.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: CHR, DILG, Unvaccinated