“Barkadahan” sa Korte Suprema, binatikos ni CJ Sereno

by Radyo La Verdad | May 8, 2018 (Tuesday) | 3255

Tatlong araw bago talakayin sa special en banc session ng Korte Suprema ang kanyang quo warranto case, muling iginiit ni Chief Justice Justice (on-leave) Maria Lourdes Sereno, na dapat mag-inhibit sa kaso ang limang kapwa niya mahistrado.

Ang mga ito ay sina Justice Teresita Leonardo de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza at Noel Tijam.

Ayon kay Sereno, bawal na bawal sa panuntunan ng hustisya na ang mismong mga nag-aakusa ang kasama sa hahatol sa kaso. Konstitusyon aniya ang dapat masunod at hindi ang aniya’y barkadahan sa Korte Suprema.

Ayon pa kay Sereno, hindi pwedeng baliin ng mga mahistrado ang konstitusyon at ang mga naunang desisyon ng Korte Suprema, para lamang ang matanggal ang hindi nila kabarkada. Kapag nangyari  aniya ito, wala na nang ipinagkaiba sa mga pulitiko ang mga kasamahan niyang mahistrado.

Samantala, bukas si Sereno na tapusin na ang kanyang indefinite leave bilang punong mahistrado.

Matapos magsalita sa isang forum sa Adamson University sa Maynila kanina, sinalubong siya ng mga nananawagang bumalik na siya sa Korte Suprema.

Nitong Pebrero, sapilitang pinag-leave ng mga kapwa mahistrado si Sereno dahil sa kinakaharap na impeachment sa Kongreso.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,