Kung sa Metro Manila at ilan pang bahagi ng bansa ay matinding init ang naranasan ng ating mga kababayan nitong weekend, sa Brgy. Paoay sa Atok, Benguet naman ay naranasan ang pag-ulan ng yelo noong Sabado.
Dahil dito, sira-sira ang ilang green house at mga tanim na gulay ng mga magsasaka sa lugar.
Ayon sa ilang magsasaka, pangkaraniwan na sa kanila ang pag-ulan ng yelo dahil taon-taon ay nakakaranas sila ng hailstorm sa kanilang lugar na nagtatagal ng tatlo hanggang limang minuto.
Pero noong Sabado, tumagal ang pag-ulan ng yelo ng halos isang oras kaya naman matindi ang naging pinsala nito.
Ngunit tiniyak naman ng mga magsasaka na wala dapat ikabahala ng mga mamimili dahil sapat ang suplay ng gulay sa Benguet Province para sa mga consumer.
Ngayong araw ay mag-iinspeksyon naman ang Municipal Agriculture Office at Provincial Agriculture Office sa Brgy. Paoay upang alamin kung gaano kalaki ang pinsalang iniwan ng ng hailstorm.
( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )
Tags: Benguet, tanim na gulay, yelo