Barangay officials na kasama sa narco-list ng PDEA, pinayuhan ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na sumuko

by Radyo La Verdad | May 2, 2018 (Wednesday) | 2290

Aminado si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President Atty. Edmund Abesamis na may mga kapitan ng barangay na posibleng sangkot sa iligal na droga.

Pero mayroon din naman aniyang tapat na gumaganap sa kanilang tungkulin.

Kaya hamon nito sa mga barangay official na nakasama sa inilabas na narco-list ng PDEA, sumuko na lamang at linisin ang kanilang mga pangalan.

Handa rin umano ang kanilang samahan na tulungan ang mga ito sa ligal na aspeto.

Sinubukan ng UNTV News Team na kunin ang pahayag nina Kapitan Alvin Mañalac ng Barangay Hulong Duhat at Kapitan Anthony Velasquez ng Barangay Tinajeros sa Malabon City pero hindi alam ng kanilang mga kasama sa barangay kung nasaan na ang mga ito.

Hindi naman daw nagtatago ang dalawa pero tumanggi ng magbigay ng pahayag ang mga kasama sa trabaho ni Mañalac at Velasquez.

Ayon naman sa ilang mga botante, gagamitin nilang gabay ang nilabas na narco-list sa pagpili ng iboboto sa May 14 barangay at SK elections.

Samanatala, isinusulong ng Liga ng mga Barangay sa Pilipas sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong isailalim sa mandatory drug test ang lahat ng kakantidato sa anomang posisyon sa pamahalaan.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,