Barangay health station project ng DOH, nakitaan ng iregularidad ni dating Sec. Ubial

by Radyo La Verdad | June 20, 2018 (Wednesday) | 4030

Binuweltahan ni dating Health Sec. Paulyn Jean Ubial ang paninisi sa kanya ni dating Sec. Janette Garin sa umano’y napabayaang proyekto sa pagtatayo ng barangay health stations.

Sa isang mensahe, sinabi ni Ubial na bagaman itinuloy niya ang proyekto, ipinasuri niya ito sa Commission on Audit (COA) noong Pebrero 2017 matapos makitaan ng anomalya.

Ayon pa kay Ubial, sa halip na manisi, dapat na lamang aniyang ipaliwanag ni Garin kung bakit pinayagan nito ang isang proyektong hindi napaghandaan. Handa rin ang dating opisyal na ipaliwanag ang kanyang panig sa COA at Ombudsman.

Sang-ayon din si former Health Secretary Janette Garin na imbestigahan ang proyekto na nagkakahalaga ng 8.1 bilyong piso.

Si Garin ang kalihim ng DOH nang sinimulang ipatupad ang naturang proyekto noong 2015.

Kailangan aniya itong malinawan lalo’t nadidiin na naman ang kaniyang pangalan sa sinasabing panibagong anomalya sa DOH.

Apela ng dating kalihim kay Sec. Francisco Duque, sana ay kunin din ang kaniyang panig upang maipaliwanag niya ang ilang bagay sa umano’y maling procurement process at validation sa sites ng proyekto, lalo na aniya’t kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Education (DepEd) sa implementasyon nito.

Nauna nang ipinahayag ni Sec. Duque na tila “sakuna” ang tumama sa DOH dahil sa magkakasunod na mga anomalyang natutuklasan sa loob ng kagawaran sa kaniyang pagbabalik bilang kalihim.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,