Nagmistulang ilog ang ilang kalsada sa Barangay Dampalit sa Malabon City matapos ang malakas na buhos ng ulan dala ng habagat at pinaghalong hightide kahapon.
Partikular na sa M. Sioson Street at Doña Juana Rodriguez Street dahil malapit sa coastline.
Ayon sa mga residente, ito’y dahil umapaw na ang tubig sa mga palaisdaan dito at sinabayan pa ito ng hightide kaya mabilis ang pagbaha sa kanilang lugar.
Dahil din dito kaya kinansela ang pasok sa lahat ng private school at public school ito ang Dampalit Elementary School at Dampalit Integrated School.
Kagabi ay unti-unti nang humupa ang baha. Ilang bahagi na lamang sa ngayon ay may hanggang talampakan pa na tubig. Tuluy-tuloy naman ang paggamit ng water pump mula sa lokal na pamahalaan upang pahupain ang baha.
Ngunit pakiusap ng ilang residente, gawan ng pangmatagalang paraan ng pamahalaan ang pagbaha sa lugar dahil perwisyo nito sa kanila.
May ilan na ring anilang nadapuan ng leptospirosis na sakit. Marami na rin ang may lagnat, sipon, ubo at mga sakit sa balat sa mga bata dahil sa hindi paghupa ng baha sa barangay.
Pakiusap pa ng ilang residente dito, bilisan na ang pagtapos sa proyektong flood control megadike na sinimulan ng Department of Public Works and Highways sa lugar (DPWH).
( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )
Tags: baha, high tide, Malabon City