Banta sa buhay ni Pangulong Duterte, siniseryoso ng PNP

by Radyo La Verdad | August 23, 2018 (Thursday) | 3889

(File photo from PCOO FB Page)

Tuloy ang ginagawang monitoring ng pambansang pulisya laban sa mga posibleng nagbabanta sa buhay ng Pangulo.

Una na aniya ang mga druglord na sa simula pa lamang ng war on drugs ay nag-aalok na ng 50 hanggang 100 milyong piso kapalit ng buhay ng Pangulo.

Pangalawa aniya ang New People’s Army (NPA) dahil sa naudlot na usapang pangkapayapaan at ang sinasabi ng Pangulo na mga miyembro ng Central Intelligence Agency ng Estados Unidos na papatay sa kanya.

Patuloy ding kinukumpirma ng PNP ang impormasyon na may retired at active generals mula sa AFP at PNP na nabalitang kumikilos para patalsikin sa pwesto ang punong ehekutibo.

Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, patuloy ang ginagawa nilang pagbabantay sa kanilang hanay hinggil dito.

Dagdag ni Albayalde, may listahan sila ng mga retired at active generals ng AFP at PNP, ngunit wala pa aniya silang nakikitang paggalaw ng mga ito laban sa administrasyong Duterte.

Muli, tiniyak ng pinuno ng pambansang pulisya na buong-buo ang suporta nila sa Pangulo.

Base sa raw information, Marso pa nagsimulang kumilos ang naturang mga heneral para mapatalsik si Pangulong Duterte sa pwesto hanggang Oktubre.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,