Banta at pandadahas sa hudikatura, muling nagbabalik – CJ Sereno

by Radyo La Verdad | November 7, 2017 (Tuesday) | 2230

Nagbabala si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa mga kapwa mahistrado at kawani ng hudikatura na nagbabalik ang banta sa kanilang institusyon mula sa mga pulitiko sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Ayon kay Sereno, gaya ng mga hari noon, pinipilit ng mga pulitiko ngayon ang mga hukuman na ideklarang legal ang kanilang gawain upang palitawin na lehitimo ito sa ilalim ng batas.

Paalala pa ng punong mahistrado, malaki ang papel ng hudikatura sa pag-iral ng rule of law para na rin sa kinabukasan ng sangkatauhan.

Tuloy naman ang trabaho ng punong mahistrado sa kabila ng kinakaharap na impeachment sa Kongreso. Kampante lang si Sereno lalo’t tiwala ang kaniyang kampo na walang basehan ang mga reklamo.

Hanggang ngayon, hindi pa rin makapagpasya ang Kamara kung tuluyan nang dadalhin sa senado ang impeachment complaint.

Saan man makarating ang reklamo, ang mahalaga lamang umano ay mabigyan ng pagkakataon si Sereno na ihayag ang kanyang panig at ma-cross examine ng kaniyang mga abogado ang mga testigo ng complainant.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,